Salungat at tahasang lihis sa Kanluraning tipo ng modernidad, ang alternatibong uri ng pakamakabago sa Pilipinas ay natatangi. Dahilan nito ang kolonyal/neokolonyal na estruktura ng pormasyong sosyal. Kasanib ng ating pakikibaka para sa pambansang demokrasya at kasarinlan ang pagka-modernidad ng bansa. Isang hibla ng kontemporaryong daloy ay nagbubuhat sa siglang popular-nasyonal na masisipat sa panitikang bernakular. Sa tatlong dekada ng siglong nakaraan, maibabalangkas ang trajektori ng imahinasyong makabansa’t makamasa, mula sa obra nina Jose Corazon de Jesus, Benigno Ramos, Amado Hernandez at Carlos Bulosan. Sa diyalektikong ugnayan ng pesanteng radikalismong naghahangad ng mala-utopikong lipunan at realismo ng proletaryong diwa, bumubukadkad ang isang demokratikong kulturang mababansagang kontra-modernidad. Tinutuhog nito ang sakripisyo ng mga bayani ng rebolusyon laban sa kolonyalismong Espanyol at ang pagsisikap ng mga intelektuwal ng unang hati ng ika-19 dantaon na itakwil ang komoditi-petisismo ng kapitalistang pamumuhay na ipinataw ng Estados Unidos. Layunin ng kontra-modernidad ang magtaguyod ng isang rebolusyong magbabago sa imperyalistang orden at magpapalaganap ng makataong katarungan, pagkakapantay-pantay, at kasaganaan para sa lahat.