Philippine Standard time

Manggagawa Naman, Tayo Naman!: Ang Makabayang Diskurso ni Leodegario "Ka Leody" De Guzman Bilang Kontra-Hegemonya


Bago sa kasaysayan ang hinawang landas-politikal ng uring manggagawa sa pamamagitan ng pagtakbo ni Leodegario “Ka Leody” De Guzman noong pampanguluhang halalan 2022. Layunin ngayon ng pag-aaral na palutangin ang makabayang diskurso ni Ka Leody gamit ang kapangyarihan ng wikang Filipino bilang kontra-hegemonya upang maisiwalat ang tradisyunal na politika ng bansa. Gabay ang makabayang diskurso ni Torres-Yu (2012), kontra-hegemonya sa wika ni Campoamor II (2018), at kapangyarihan sa likod ng diskurso ni Fairclough (1989) bilang pattern ng pagsusuri, nakita ang limang tema ng makabayang diskurso mula sa mga naratibo ni Ka Leody: (1)Manggagawa Naman, Tayo Naman!; (2) Serbisyo, Hindi Negosyo!; (3) Neoliberalismo, Ibagsak!; (4) Politika ng Masa, Kilusan ng Masa!; at (5) Hustisyang Pangklima, Ngayon Na!. 

Mula dito, natuklasan ang naratibo ni Ka Leody ay naglalaman ng makabayang diskursong pinangungunahan ng abanteng lakas ng uring manggagawa at masang bumabandila ng panawagang politikal at hustisyang sosyal na nakabatay sa panlipunang pangangailangan ng nakararami. Gamit ang makauring jargon bilang kapangyarihan ng wikang Filipino, mas naibilad pa ang umiigting na “tunggalian ng uri”, panlipunang inhustisya, at pamamayani ng politika ng trapo, mayayamang negosyante, at dinastiya. Ang mga resultang ito ay nagtungo sa kongklusyong marapat pang suriin ang ugnayan ng wika at lipunan at pakikilahok, pagpapalakas, at pagkakaisa ng iba’t ibang kilusang pangmanggagawa. Dagdag pa, krusyal ang pag-agaw o pag-ako ng responsibilidad ng kilusan sa moda ng produksyong lumilikha ng diskursong pangwika at lipunan na makatutulong sa mas lalong paglinang at pagsuri ng iba pang konteksto ng makabayang diskurso.



Related Publications