Nirebista ang labing-anim na mga pag-aaral sa pinagkumparang bisa ng Ingles o isang wikang Pilipino (Filipino, Tagalog, Hiligaynon) bilang midyum ng pagtuturo. Ibinigay ang batayang disenyo ng mga pag-aaral at ang mga partikularidad ng disenyo ng mga ito. Tinalakay nang isa-isa ang mga kinasapitan ng apat na pinakamalalaking pag-aaral --- ang kay Aguilar sa Iloilo noong 1949-1951, ang pag-aaral ng Bureau of Public Schools sa limang probinsyang di-Tagalog noong 1956-1957; ang pag-aaral ng Philippine Center for Language Study sa Rizal noong 1960-1964, at ang kina Tuy, Santos, Esclabanan at Mogol sa Katagalugan at Kabikulan noong 1977. Ibinigay din sa isang talaan ang resulta ng nalalabi pang 12 pag-aaral. Sa 16 na pag-aaral, 11 ang may resultang malinaw na panig sa wikang Pilipino at isa ang may kiling dito. Batay sa mga asignatura, mga grupong etniko, at mga antas (grade level) na pinag-aralan, ginawa ang konklusyong higit na mabisa ang wikang Pilipino kaysa Ingles sa Agham, Matematika, at Araling Panlipunan sa lahat ng antas ng pag-aaral mula Grade 1 hanggang kolehiyo para sa karamihan ng mga etnolinggwistikong grupo sa bansa. Sa pangalawang bahagi ng artikulo, tinalakay ang pitong mga kaugnay na pag-aaral.
